Tanging mga armed protesters lamang ang saklaw ng ‘shoot to kill’ order ng pamahalaan ng Kazakhstan kaugnay sa nangyayaring kaguluhan doon
Ito ang pahayag ni Charge d’Affaires Robert Ferrer, Jr. ng Philippine Embassy sa Moscow, Russia ukol sa sitwasyon ng nangyayaring malawakang protesta sa nabanggit na bansa.
Ayon kay Ferrer, ang nasabing kautusan ay ginawa ng nabanggit na pamahalaan para mapigilan ang rebellion at banta sa seguridad ng mga armadong mga nagpoprotesta.
Aniya, maituturing na terorismo sa nasabing bansa ang pagkakaroon ng armas ng mga protesters doon.
Nakatakda namang talakayin ni Kazakhstan President Kassym-Jomart Tokayev sa Enero 11 ang hinaing ng mga payapang nagprotesta sa kanilang bansa.
Ngunit sa kabilang banda naman umano, nilinaw nito na tanging sa Astana ang naiulat na conflict zone kung saan malayo na umano ito sa main city ng Almaty dahil 2 oras pa ang biyahe mula roon.
Dagdag pa ni Ferrer, ligtas at walang mga Filipino ang sangkot o nadamay sa naturang kaguluhan sa nabanggit na bansa at may mga opisyal ng Filipino communty at Local Non Government Organizations ang siyang nagmomonitor sa kalagayan ng bawat mga Pinoy.
Magugunitang nagsimula ang nasabing kilos protesta dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Nagpadala na rin ng sundalo ang Russia para tumulong na mapahupa ang kaguluhan.