Pinangangambahan ng Provincial Health Office (PHO) Pangasinan ang posibleng pagsirit ng kaso ng COVID-19 ngayong tapos na ang holiday celebrations.
Ayon kay Dr. Anna Marie de Guzman, Chief ng nabanggit na tanggapan, binigyang diin nito na bagaman ganoon ay wala pang nararanasang COVID-19 surge sa ngayon.
Nanatili umanong mababa ang trend ng mga naitatalang nagpopositibo sa naturang virus, at umaasa itong sana ay magpagpatuloy ito.
Bilang tugon ng pamahalang panlalawigan, inihahanda na umano sa ngayon ang mga ospital o pagamutan sa probinsya, kasabay ng panawagan sa publiko na kung mayroong nararanasang anumang sintomas gaya ng ubo, lagnat at pananakit ng lalamunan ay agaran nang magtungo sa kanilang Rural Health Units at hilinging sila ay isailalim sa RT-PCR test upang matukoy ang mga positibo sa COVID-19 at makapagsagawa na rin agad ng contact tracing.
Sa kasalukuyan, nasa higit 1.8-M doses na ang kabuuang naiturok sa mga Pangasinense na may katumbas na halos 80% ng eligible population na 70% ang nakatanggap ng kanilang first dose.
70% naman dito ang fully vaccinated na, habang patuloy na ipinapanawagan ng PHO Pangasinan ang pagtangkilik sa booster shots.
Ipinaalala ni De Guzman na mababa na ang antibodies ng isang indibidwal kung higit tatlong buwan na ang nakalipas mula nang matanggap ang second dose ng bakuna, na posible rin umanong dahilan sa ngayon kung bakit nagkakaroon ng pagtaas ng kaso sa Metro Manila.