Patuloy pa rin ang ginagawang pagtutok ng mga otoridad sa nangyaring pamamaslang kay ex-Mayor Aldrin Cerdan ng bayan ng Anda.
Ayon kay PCol. Richmond Tadina, Acting Provincial Director ng Police Provincial Office (PPO) Pangasinan, patuloy pang inaalam kung nakatanggap ba ng death threats ang biktima mula sa naturang suspek bago mangyari ang insidente.
Ito’y kahit pa tukoy na ang suspek na si William Cagampan alyas Dugong na napag-alamang nagsilbing body guard ng biktima sa loob ng siyam na taon nitong pagiging alkalde sa bayan.
Dagdag pa ni Tadina, agad ding nagpaabot ng pasasalamat ang mga kaanak ng biktima sa agarang pagkakaaresto sa suspek at nakapagbigay narin ng salaysay.
Sa ngayon aniya ay binibigyan mula nila ng pagkakataon na magluksa ang pamilya Cerdan at nagbigay narin ng security habang patuloy ang malaliman nilang imbestigasyon.
Una ng lumabas sa initial report na ayaw pautangin ng biktima ang suspek na sinasabing dahilan ng kanyang matinding galit dito kaya niya binaril.
Nabatid din na may dating kasong pang aabuso ang suspek sa kanyang asawa at nagkaroon umano ng restraining order.
Kung maaalala, nagpapahinga umano si Cerdan sa kaniyang farm sa Barangay Namagbagan nang ito ay puntahan ni Cagampan.
Nag-usap pa umano ang dalawa, ngunit matapos nito ay pinagbabaril si Cerdan gamit ang isang m16 rifle.