DAGUPAN CITY — Nakapagtala na ng apat na fireworks related injuries ang probinsya ng Pangasinan, apat na araw bago salubungin ang bagong taon.
Ayon kay Provincial Health Officer, Dra. Anna Maria Teresa De Guzman, ang fireworks related injuries na naitala sa probinsya ay mula december 21 hanggang 27 ngayong araw.
Dagdag pa nito na 33% ito na mas mataas kung ikukumpara sa kaparehong araw ng taong 2020 na 3 lamang.
Kabilang naman sa mga nakapagtala na ng fireworks related injuries ay ang lungsod ng San Carlos, bayan ng Bayambang, Manaoag at Dagupan City.
Ang mga biktima naman ay nasa edad 7 taong gulang, 11 anyos at 13 anyos. 3 sa mga ito ay lalaki, habang ang isa naman ay babae.
Bagamat hindi kinakailangan ng amputation, nagtamo ng blast burn sa bahagi ng kamay, ulo, at eye injury ang mga ito.
Kabilang naman sa ginamit na paputok ng mga biktima ay kinabibilangan ng Kwitis, 5-Star at 2 Boga na nahahanay sa mga ipinagbabawal na paputok. (With reports from Bombo Marven Majam)