Ilang araw bago sumapit ang pasko, naabo ang hindi bababa sa walong tahanan sa nangyayaring sunog sa Zone 3 Brgy Bued, Calasiao dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Dagupan, bago mag-alas-8 ng umaga napansin ng mga residente ang sunog na mabilis kumalat at tumupok sa tinatayang walong kabahayan.


Sinasabing ang naiwang siga sa lutuan ng isang pamilya na nag-outing sa Tondaligan beach ang pinagmulan ng apoy.

--Ads--

Bagamat nagbayanihan na ang mga residente sa lugar upang maiwasan ang pagkalat ng sunog, at agad na rumespondi ang BFP Calasiao na tinulungan din ng BFP Dagupan, hindi pa rin ito naging sapat dahil gawa sa light materials ang mga kabahayan dahilan upang mabilis na kumalat ang apoy.

Nakaantabay din sa lugar ang municipal ambulance ng Calasiao sakaling ito ay kailanganin subalit masuwerteng walang nasugatan sa insidente.

Hiling naman ngayon ng mga residente ang agarang tulong lalo ayon kay Ginang Vilma Poserio, wala silang naisalba kahit isa.

Kuwento pa nito, maliligo sana ito ng maramdaman ang sunog bagay na pinasuri nito sa anak nito at laking gulat nalang nila na malaki na ang sunog at nadamay narin ang kanilang tahanan dahilan upang hindi na sila papasukin pa kayat wala na silang naitabi pang mga gamit.

Ginang Vilma Poserio