Patuloy ang ginagawang maigting na pagbabantay ng hanay ng Pangasinan Police Provincial Office sa mga itinalagang border control checkpoints maging ang pagtutok sa ilang mahahalagang usapin sa ating probinsya lalo na ang nalalapit na eleksyon.
Nabatid mula kay Pangasinan PD P/Col. Richmond Tadina, mayroong dalawang provincial quarantine control point dito sa ating lalawigan sa pagitan ng Sison at San Fabian bilang boundary ng La Union.
Mayroon ding regional quarantine control point na 80 mula sa mga boundaries ng Zambales, Tarlac Nueva Ecija, Nueva Viscaya at Cordillera na siyang patuloy ding minimentena ng kanilang hanay.
Bunsod ng pagsasailalim sa ating lalawigan sa alert level 2 status, hindi na sila nag hahanap ng S-Pass, at RT-PCR Test ngunit lahat ng mga pumapasok na sasakyan sa ating lalawigan na napapansin ng mga checkpoint personnel ay kung minsa’y hinahanapan ang mga motorista at biyahero ng vaccination card lalo na ang mga mang gagaling sa ibang lugar.
Bagamat nagkakaroon na ng kaluwagan sa ilang mga panuntunan, tinitiyak pa din ng kanilang hanay ang maigting na pagbabantay lalo pa ngayong holiday season na maaaring samantalahin ng mga kawatan o masasamang loob.
Giit nito na kahit pa mataas na ang percentage ng mga fully vaccinated dito sa lalawigan ng Pangasinan, iwasan pa din aniyang maging kampante.
Laking tuwa naman ng opisyal na mula ng ito’y maupo sa panunungkulan, ramdam nito ang katahimikan at kaayusan dito sa ating lalawigan at umaasa ito na ito’y mapapanatili lalo pa sa panahon ng eleksyon.