Bigong makaligtas mula sa pagkalunod ang isa sa dalawang indibidwal na tinangay ng malalakas na alon mula sa San Fabian beach sa may Brgy. Nibaliw Narvarte, San Fabian, Pangasinan.
Ayon kay PLt. Vladimer Malangen, Deputy Chief of Police ng San Fabian Police Station, ang dalawang kalalakihan ay sina Rogelson Victoria at Jeffrey Pineda, na pawang edad 30-anyos at mga residente ng Angeles City, Pampanga.
Batay umano sa salaysay ni Victoria, habang naliligo sila ng kaniyang kasamahang si Pineda sa naturang dagat ay biglang may malakas na alon ang siyang humila sa kanila pailalim ng tubig na nagbunsod ng kanilang pagkalunod.
Maswerteng nasagip o ma-rescue agad ang mga ito ng mga nakatalagang kawani ng San Fabian MDRRMC sa nasambit na vicinity at na-revive si Victoria, ngunit ang biktimang si Pineda ay hindi na nakakitaan pa ng buhay o hindi na umano huhinga, kaya naman agad itong itinakbo sa Region 1 Medical Center(R1MC) sa lungsod ng Dagupan ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Sa kasalukuyan ay bineberika kung lango ba ang mga ito ng alak.
Samantala, tinitignan ng mga otoridad ang posiblengg solusyon upang maiwasan na ang ganitong uri ng insidente, lalo na umano ngayong nalalapit ang holiday season na siyang inaasahang dadami ang mga dadagsang turista.
Kaugnay nito, patuloy rin ang pagroronda ng pulisya sa San Fabian beach upang matiyak ang kaligtasan ng bach goers, gayundin sa pagsunod sa mga naka-impose pa rin standard health & safety protocols kontra COVID-19.
Paalala naman ng pulisya na kung malalaki at malalakas ang hatak ng mga alon sa dagat ay mainam na huwag nang lumangoy o magtungo sa malalalim o malatong bahagi ng dagat upang hindi na maulit pa ang ganitong uri ng pagkakasawi.