Humiling na ng tulong sa senado si Engr Rosendo So, presidente ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG upang maimbestigahan ang umano’y kabiguan ng Department of Agriculture (DA) na magbayad ng P100 milyon sa mga dealers ng fertilizers sa Region 1.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kinuwestyun ni So bakit hindi mabayaran ng DA ang mga dealer ng mga pataba.
Paliwanag ni So na ang mga voucher na nagkakahalaga ng P3,000 ay ibinibigay sa mga magsasaka para sa mga nagtatanim ng hybrid rice at P2,000 fertilizer voucher para sa mga magsasaka na nagtatanim ng inbred rice varieties.
Ang problema naman ngayon ay hindi makasingil ang mga dealer outlet sa DA kaya naman wala silang maibigay na pataba sa ibang magsasaka na gustong kumuha ng pataba.
Hindi naman aniya malaki ang puhunan ng mga dealer outlet at dahil nakabinbin ang pera nila kaya hindi makabili ulit ng pataba na ibibigay sa mga magsasaka.
Aniya sa Region 1, may P300 million na halaga ng voucher ang nai-release sa mga magsasaka, pero ang problema nang iprisinta nila ang voucher sa mga authorized fertilizer outlets para makuha ang kanilang subsidy, sinabihan sila na walang ilalabas na supply dahil ang mga merchant. ay hindi pa nababayaran ng DA.
Una rito ay nagrereklamo ang Association of the Fertilizer and Pesticides, Distribution, Dealers and outlet ng Pangasinan na hindi pa sila nababayaran ng DA para sa binigay nilang pataba sa mga farmer-beneficiaries na aabot sa P100 milyon.