Arestado ang dalawang High Value Individuals (HVI) sa buong Rehiyong Uno na mag live-in partner sa isinagawang drug buy bust operation ng kapulisan sa Brgy. Caranglaan, Dagupan City.

Ayon kay PLt. Michael Murao, Police Community Relation (PCR) Officer ng Dagupan City Police Station, nasa humigit-kumulang 59g. ang hinihinalang shabu na nakumpiska sa kanilang pangangalaga na may Street Drug Price (SDP) value na higit P400,000.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Isidro Caita Jr., 37-anyos na isang cellphone technician at si Esperanza Talay alias “Shane”, 34-anyos na pawang mga residente ng Brgy. Coliling, San Carlos City.

--Ads--

Napag-alamang ikalawa at ikatlong distrito ng lalawigan ng Pangasinan ang kanilang mga sinusuplayan.
Binigyang diin naman ng kapulisan na maayos at walang naging aberya sa isinagawa nilang operasyon at hindi umano nanlaban ang mag live-in partner.

Samantala, sa hiwalay na operasyon ay arestado rin ang 28-anyos na tricycle driver na Street Level Individual (SLI) sa kahabaan ng Lucao District, Dagupan City.

Kinilala naman ito bilang si Christian Bermudez, alias “Botog”, na residente ng Sitio Aling, Pantal District, Dagupan City.

Nakuha sa kaniyang posesyon ang 1.1g. ng hinihinalang ring shabu na may SDP value na halos P7,500.

Nasa kustodiya na ng kapulisan ang mga suspek na nadakip sa magkahiwalay na operasyon, kasama ng mga ebidensyang nakumpiska sa kanilang pangangalaga sa wastong disposiyon.

PLt. Michael Murao, Police Community Relation (PCR) Officer Dagupan PNP

Kaugnay nito, patuloy pa rin umano ang drug monitoring ng Dagupan City Police Station sa buong lungsod at mayroon na umanong dalawang mga barangay ang maituturing na drug-cleared sa ngayon, habang ‘on process’ pa rin umano ang mga papeles ng ibang mga barangay.