DAGUPAN, CITY— Natagpuang nakasilid sa isang sako ang bangkay ng isang 32-anyos na lending collector sa creek ng Ango River sa may Brgy. Poblacion, sa bayan ng Urbiztondo, matapos ang isang linggong pagkakawala nito.
Ayon kay PMaj. Napoleon Eleccion Jr., Chief of Police ng Urbiztondo Police Station, kinilala ang biktima na si Remar Dumalao, residente ng Brgy. Anonas, Urdaneta City na may basag ang ulo, tama ng baril sa kaniyang kanang turso at pinagbabali pa ang mga paa.
Batay sa isang CCTV footage, huli umanong nakitang buhay si Dumalao noon pang November 24 sa isang compound sa Brgy. Pangdel, Bayambang, upang mangolekta ng pera.
Sa nabanggit ding compound ay mayroon umanong matagal ng nais umutang sa kaniya ngunit hindi niya ito pinahiram ng pera, at hindi na nga rin siya nakitang lumabas pa sa naturang lugar, kaya’t ito ngayon ang higit na tinututukan ng mga otoridad.
Dagdag ng pulisya, malaki rin umano ang posibildad na sa ibang lugar ito pinaslang at itinapon sa ilog, na siyang inanod lamang sa tabing ilog ng Ango River sa Brgy. Poblacion, Urbiztondo.
Base naman sa post mortem examination ay ilang araw na umanong binawian ng buhay ang nasambit na kolektor bago matagpuan ang kaniyang labi.
Nakita rin na naiwan sa kaniyang katawan ang 15 pellet bullets mula sa isang 12-gauge shotgun na posible rin umanong improvised lamang.
Wala naman umanong ibang krimen na kinasasangkutan ang biktima.
Panawagan na lamang ng Urbiztondo Police Station na kung sinuman ang may alam o may karagdagang impormasyon hinggil sa nabanggit na krimen ay mangyaring makipag-ugnayan sa kanilang himpilan para sa ikakaresolba ng kaso.