DAGUPAN, CITY— Kinukumpirma pa ng mga kapulisan sa Waukesha, Wisconsin kung nasa impluwensiya o gumamit ng droga ang driver ng SUV na sumagasa sa mga kabataan at mga senior citizens sa isang Christmas parade.
Ayon kay Bombo International Correspondent Estella Fullerton mula sa Montana, USA, sa ngayon ay isinasagawa na ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa insidente at kanila nang inaalam ang posiblidad na nakadroga ang naturang suspek kaya nagawa nito ang naturang insidente.
Nauna rito nauna nang napag-alaman na maituturing na “reckless” at madalas na kumakaharap sa mga kaso ang suspek na kinilalang si Darrell Edward Brooks Jr, na isang 39 anyos na African American na kalalabas lamang din ng kalungan matapos itong nagpiyansa sa halagang 1000 US dollars dalawang araw bago mangyari ang insidente dahil sa kinaharap nitong criminal case.
Bukod pa rito, bago umano mangyari ang trahedya, pinaniniwalaang mayroon din umano siyang tinatakbuhang plea kaugnay sa domestic violence.
Sa ngayon dahil sa naturang pananagasa, nasa 5 na ang nasawi na pawang mga senior citizens, at 48 naman ang nasugatan sa insident.
Sa nasabing bilang, 23 ang nasa ospital kung saan 6 dito ang mga kabataan ang kinakailangan ng surgery.
Wala namang mga Filipino ang napaulat na nadamay sa nabanggit na insidente.
Ang naturang Christmas parade ay tradisyonal nang isinasagawa tuwing thanksgiving day at ngayong taon ang ika-58 taon nitong pagdiriwang.