Labis ang pagluluksa ng mga kaanak ng dalawang binatilyong natagpuang wala ng buhay sa isang ilog sa Brgy. Palospos, sa lungsod ng San Carlos.
Ayon kay PSSgt. Ryan Sabangan, Duty Investigator ng San Carlos City PNP, kinilala ang mga kawawang biktima na sina Christian Dave Agbuya at Aljon Salinas na pawang mga 13-anyos at tanging grade 8 at 7 pa lamang, na residente ng Brgy. Balangay, Urbiztondo.
Batay sa imbestigasyon, nagkayayaan umano silang mga magkakaibigan na maligo sa ilog kasama ng tatlong iba pa ngunit tinangay ng agos ang dalawa.
16 na oras ang nakalipas nang matagpuan ang labi ni Agbuya at higit 20 oras naman bago mahanap ang bangkay ni Salinas sa isinagawang search and rescue/retrieval operation ng pinagsanib pwersa ng Bureau of Fire (BFP) San Carlos City, BFP Urbiztondo, CDRRMO San Carlos City, MDRRMO Urbiztondo and Pangasinan PDRRRMC.
Nilalamayan na ang labi ng mga menor de edad na nasawi sa pagkakalunod at tumanggi naman na ang mga kaanak ng mga ito na isailalim pa ang mga biktima sa Autopsy Examination/Post Mortem Examination.
Ito naman ang ikalawang insidente ng pagkalunod na naitala sa buwan ng Oktubre, ngayong taon mula sa nabanggit na siyudad.
Paalala ng mga otoridad sa mga kabataan na huwag na lamang magtungo sa mga ilog upang maligo at para naman sa mga magulang ay mainam umano na pag-ibayuhin ang pagbabantay sa kani-kanilang mga anak upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.