‘Superspreader event’ ganito ang naging sitwasyon sa Dagupan City plaza matapos dumugin ng higit limang libong tao ang pagbibigay ng ayuda ni Senador Manny Pacman Pacquiao na siya ring kumakandidato sa pagkapresidente sa halalan 2022.

Pinagkaguluhan ang ipinamahaging 10 kilong bigas, isang kilong manok at isang libong piso na nakalaan para sa isang benepisyaryo kung saan isang libong residente lang ang maaaring mabigyan.

Ayon naman sa awtoridad, ang local government unit ang siyang namili sa mga taong mabibigyan ng naturang tulong kung saan sila ay nabigyan ng mga stub na siyang ipapakita upang mabigyan ng ayuda.
Nagkaroon naman ng komosyon matapos na sumingit sa pila ang mga residenteng walang dalang stub na umabot ng sampung minuto bago tuluyang nakontrol ito ng kapulisan.

--Ads--

Nagsagawa rin ng talumpati si Pacquiao kung saan ito ay naging emosyonal matapos niyang ihayag ang kaniyang dahilan sa pagtakbo sa nalalapit na eleksyon.

Paulit ulit nitong idiniin na ang puso nito ay para sa mahihirap na mga Pilipino.

Samantala wala pang kasiguraduhan kung magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng mass testing sa mga nagtungo sa naturang ‘superspreader event’ kung saan sa ngayon ang lungsod ng Dagupan ay nakakapagtala pa rin ng kaso ng Covid-19.