Dagdag pasakit. Ganito inilarawan ni ‘Tatay Randy’, driver ng Dagupan-Bayambang jeep, ang panibagong oil-price hike na epektibong ipinatupad kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag nito na hirap na nga sila dahil sa nararanasang pandemya dulot ng COVID-19, panibagong pasanin muli ito sa kanila lalo at hindi parin naman aniya bumabalik sa dati ang bilang ng kanilang pasahero.
Sa ngayon aniya ay wala silang ibang magagawa kundi magtiis at umasang malalampasan din nila ang hirap ng panibagong oil price hike katulad ng dati habang hinihintay kung maaaprubahan ang panibagong kahilingan sa kanilang hanay para sa fare increase na ayon kay Tatay Randy, makatutulong ng kahit papano upang maibsan ang nararanasan nilang kahirapan.
Una rito, ipinatupad kahapon ng mga kumpanya ng langis ang panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo kung saan umaabot sa P1.50 ang dagdag sa kada litro ng diesel habang P1.80 naman ang itataas sa kada litro ng gasolina.