Nasa 60% ang tsansang magkakaroon ng giyera sa gitna ng China at Taiwan at inaasahang tataas pa ang porsyentong ito paglipas ng ilang mga araw bunsod ng lumalalang hidwaan sa pagitan ng dalawang nasyon.
Ayon kay Reynand Fenolan Dumala na isang Propesor mula Hsinchu, Taiwan sinabi nitong inaasahan na ng mga Taiwanese ang pagtindi ng girian kung saan patuloy umano ang pagdadala ng mga fighting jets ng mainland China sa kanilang lugar.
Matatandaang itinuturing ng mainland China na kanilang probinsya ang Taiwan habang idiniin ng gobyerno ng Taiwan na sila ay isang malayang soberanya.
Hindi rin isinasantabi ng China ang posibilidad ng paggamit ng pwersa para sa ‘unification’ ng dalawang lugar.
Dagdag ni Dumala na ‘alarming’ sa hanay ng pamahalaan ng Taiwan ang naging aktibidad nito noong nakaraang linggo kung saan aabot sa 150 jetfighters ang kanilang ipinadala.
Pagsasaad nito na mariing kinokondena ng kanilang Presidente na si Tsai Ing-wen ang hakbang ng China at nanindigan rin umano si Ing-wen na kaniyang ipaglalaban ang soberanya ng Taiwan.
Humiling din umano ang naturang presidente sa lahat ng mga mamayan ng Taiwan na magkaisa para ipaglaban ang kanilang demokrasya.
Noong nakaraang linggo ay nagpahayag si President Xi Jinping na sila ay nasa ‘final solution’ sa isyu ng Taiwan na ayon kay Dumala ito ang ginamit na salita ng mga Nazi Germany leader’s na ang ibig sabihin ay ‘massive killings’