DAGUPAN CITY — Matagumpay na nahuli ng mga otoridad sa isinagawang etrapment operation ng NBI sa dalawang kalalakihang nanloko at tumangay ng nagkakahalaga ng nasa P4-M, sa isang balik-bayang residente ng bayan ng Bani.
Batay sa imbestigasyon, ang isa ay kinilalang si Engr. Vicente Gonzales Jr., residente ng Marikina City at isang nagngangalang Jerome Mabinay, na tubong Quezon City. Habang may dalawa pang kasabwat na patuloy na tinitugis ng mga otoridad.
Ayon sa biktimang si “Anna”, hindi niya tunay na pangalan, nagpakilala ang mga suspek bilang mga kontraktor ng bahay. Dito na niya ipinagkatiwala ang kaniyang pera na kalauna’y umabot na sa P4-M ang kabuuang halaga na kanilang nakuha nang hindi naman natapos ang bahay na kaniyang ipinapagawa noon pang buwan ng Abril, taong kasalukuyan.
Ayon sa biktima, ang isang babaeng kasabwat nila na kasalukuyan pa ring tinutugis, ay hindi na ibinalik sa kaniya ang perang ipinapapalit nito. Katunayan ay nagkaroon pa ‘di umano ng utang si Anna sa kanilang supplier ng mga materyales ng nasa P1-M nang hindi nito alam.
Masakit pa aniya ay bumili pa umano ang mga ito ng mga kagamitang dapat ay hindi na niya sagutin, bukod pa umano sa mga appliances na kanilang pinagbibili sa tinutuluyan nilang bahay.
Saad ni Anna, ang perang galing sa kaniya ay ipinagbabayad pa raw ng naturang bahay na kanilang tinitirahan maging ng pasahod sa mismo nilang driver.
Tila nabunutan umano ng tinik ang biktima sa pagkakahuli ng dalawa sa mga suspek na ngayon ay sasampahan ng kasong estafa/swindling.
Samantala, tumanggi namang magpahayag ang mga naarestong suspek nang subukan ng Bombo Radyo Dagupan na hingiin ang kanilang panig. (With reports from Bombo Maegan Equila)