Tahasang isinisi ng grupong Bantay Bigas sa pagsasabatas ng rice liberalization law ang pagbaba ng presyo ng palay sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, base sa kanilang monitoring napakababa ang presyo ng palay kumpara noong panahon na wala pa ang nasabing batas na umaabot pa ng P23 per kilo.
Pero sa panahong ito ay bagsak sa presyong P12 at mayroon pang nakapag benta ng P7.
Dati kapag nauna sa pag aani ang mga magsasaka ay natutuwa na sila dahil mas mataas ang presyo ng palay.
Kabaliktaran naman ang pangyayari dahil nagresulta lamang ito ng pagbulusok sa presyo ng palay at pagkalugi ng mga magsasaka imbes na maging competitive sana ang mga magsasaka.
Higit aniyang nakinabang dito ay mga millers, traders at importers.
Dagdag pa niya na kaya napakababa ng presyo ng palay dahil puno ang mga bodega ng mga millers ng mga imported a bigas.
Dahil sa situwasyong ito ay hindi aniya agresibo ang mga ito na bumili ng palay ng mga magsasaka dahil marami silang stock na imported na bigas.