DAGUPAN, CITY— Itinuloy at hindi nagpatinag ang isang magkasintahan matapos magpakasal sa mismong border checkpoint sa lalawigan ng Pangasinan.

Ito ay matapos na maharang ang groom na kinilalang si Erwin Zabala na isang OFW na umuwi sa probinsya noong ika-26 ng Setyembre upang idaos ang kanilang kasal ng kanyang nobyang si Ruby Papio ngunit naharaang ito sa checkpoint bagaman sumailalim ito sa sampung araw na quarantine sa isang hotel sa Maynila.

Ngunit imbes na hindi matuloy ang nakatakdang kasalan, nagpasya ang bride na si Ruby na puntahan sa mismong checkpoint ang kanyang nobyo upang matuloy ang kanilang kasal.

--Ads--

Naging saksi sa determinasyon ng bride si kuya Reynante, na siyang driver na naghatid kay Ruby papunta sa border checkpoint sa Urdaneta City Exit.

Ayon kay Kuya Reynante, nagvolunteer umano siya na ihatid ang bride na tubong bayan ng Tayug upang makarating sa checkpoint at matuloy ang kanilang kasal.

Aniya, tumagal ang kasal ng isang oras kung saan isang abugado ang nagkasal sa kanila at nasaksihan ito ng mga Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Personnel, Philippine Coast Guard at mga pulis na naroon sa naturang checkpoint

Umani naman ng samu’t saring reaksyon ang naturang kasalan at isa umanong patunay ito ng wagas na pagmamahalan ng magkasintahan. (with reports from: Bombo Jastine Rosete)