Patay ang isang guro habang sugatan naman ang anak nito matapos silang pasukin sa bahay at pagsasaksakin ng hindi nakikilalang suspek sa barangay Terece sa lungsod ng San Carlos.
Kinilala ang mga biktima na si Maria Cristina Nisperos, 40 anyos, guro at anak nito na si Aravani Nisperos, 20 anyos, estudyante at residente sa nasabing lugar.
Sa initial na imbestigasyon ng kapulisan, base sa salaysay ni Aravani, bandang ala 3 ng madaling araw ng September 21, habang sila ay natutulog ay pumasok ang suspek sa kanilang bahay at sila ay pinagsasaksak.
Matapos ang insidente ay mabilis tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.
Nagtamo ng sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na resulta ng agarang pagkamatay ni Cristina habang naisugod naman ang anak niya sa Pangasinan Provincial Hospital, sa nasabing lungsod.
Napag alaman sa imbestigasyon ng pulisya na walang nakitaang bakas na puwersahang pumasok sa bahay ang suspek.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon para malaman ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek.