Magbabalik operasyon ang Department of Foreign Affairs (DFA) Consular Office (CO) sa bayan ng Calasiao sa susunod na Lunes, September 27, 2021 makaraang 13 personnel na nito ang kabuuang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Anna Martin Natavio, Information Officer ng DFA Calasiao, sa kanilang muling pagbubukas ay limitado lamang ang mga empleyadong papayagang makapasok kaya’t hiling nila ang pang-unawa ng publiko.
Sa 13 DFA personnels kasama na ang mga guard at maintenance ay iisa pa lamang ang fully recovered at lahat ay nagpapakita ng mild symptoms ng naturang virus.
Habang mayroon naman silang dalawang kasamahan pang nagpapakita ng sintomas ngunit negatibo sa COVID-19.
Sa ngayon, para sa concerns ng kanilang mga kliyente, mayroon lamang umano silang tatlong personnel na sumasagot ng nasa 600 emails kada araw at isang personnel para phone calls.
Ang nasa higit 1,400 na mga aplikanteng apektado ay makakatanggap ng panibagong appointments, habang ang mga aplikante namang mayroong proof of urgency ay maaari itong ipadala sa kanilang official email address na rcocalasiao@yahoo.com.
Tanging mga aplikanteng may proof of urgency lang din ang maaaring payagang mag-transfer ng kanilang mga appointments, ngunit depende pa ito sa kapasidad ng tatanggap na Consular Office.
Samantala, iisa na lamang ang hindi pa nababakumahan sa mga empleyado ng naturang opisina dahil nagpakita ito ng sintomas bago ang kaniyang scheduled vaccination day, habang lima na ang fully vaccinated at 18 na ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna.
Matatandaang pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng DFA Calasiao noong September 13, taong kasalukuyan.