Pito na sa 13 mga suspek sa Espino ambush ang naaresto ng kapulisan.

Sa ating naging panayam kay P/Maj. Arturo Melchor Jr., Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO), naaresto ang isa pang suspek na si Paraun Tamondong, alias “Pong Tamondong”, 46-anyos, nang ito ay umuwi sa kaniyang bayan sa Urbiztondo.

--Ads--

Isa si “Pong Tamondong” sa 13 mga kinilalang sangkot sa pananambang sa dating gobernador na si Amado Espino Jr. sa Barangay Magtaking, San Carlos City, eksakto dalawang taon bukas, September 11.

Patuloy na inaalam ang posibleng mga tumulong sa pagtatago ng tinaguriang Top 1 Most Wanted Person sa lalawigan ng Pangasinan, at kung saan ito naglagi sa nakalipas na mga taon.

Naaresto ito ng pinagsanib pwersa ng PPO (lead unit), PPO SWAT at Urbiztondo PNP.

Patung-patong ang kaso nito na kinabibilangan ng two (2) counts of Murder, three (3) Counts of Attempted Murder at Frustrated Murder.

Inaresto ito sa bisa ng Warrant of Arrest na may petsang February 15, 2021 na inisyu ni Hon. Judge Magnolia Cayetano ng RTC Branch 56, San Carlos City.

Kasalukuyan itong nakakulong sa Urbiztondo Police Station at subject for swab test ngayong araw.

Matatandaang nauna nang nahuli ng Pangasinan PPO at San Juan Police Station ang tatlo (3) sa mga suspect sa pag ambush kay Espino sa San Juan, Batangas kung saan matagal na umanong kuta ng mga suspek ang lugar kung saan sila nahuli.

Maliban naman sa pagiging mga suspek sa pananambang kay Espino, kabilang din ang mga ito sa mga high value individuals at regional top criminals.

Dagdag pa ni Melchor, ang mga nahuling mga indibidwal ay miyembro rin umano ng Raul Sison Criminal Group.

Maaalalang pormal nang nasampahan ng kasong two counts of murder, at four counts of attempted murder sina Albert Palisoc, Armando Frias, Benjie Resultan, Joey Ferrer, Ronnie De Los Santos, Gerry Pascua, Sherwin Diaz, Teofilo Ferrer, Jewel Castro, John Paul Regalado, Alfred Pascaran at isang Ruseller a.k.a. Sel.

Himalang nakaligtas si Espino at nagtamo lamang ng tama ng bala ng baril mula sa nasambit na ambush noong September 11, 2019.

Habang dead on the spot ang isa nitong police escort, at binawian rin ang drayber niya sa hospital.

Samantala, nagagalak naman umano ang dating gobernador at dating 5th District Representative sa pagkakahuli sa isa na namang sangkot sa nabanggit na pananambang.