Hindi bababa sa P340,000 na halaga ng illegal na droga ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Pangasinan sa dalawang naaresto na High Value Target o HVT sa bayan ng Calasiao dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay PDEA Provincial Officer Rechie Camacho, sa kanilang ikinasang Buy-bust Operation ay naaresto ang dalawang drug personalities na sina Christian Centino at Christopher Gabito na parehong residente sa Brgy. Nalsian sa bayan ng Calasiao.
Nagresulta ito upang makumpiska sa kanilang pangangalaga ang 50 grams na hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng 340,000 pesos, isang unit ng cellphone, ginagamit na motorsiklo sa kanilang mga illegal na transaksyon at kinumpiska din ang ginamit na boodle money.
Matapos nito ay isinailalim din sa drug test ang dalawang drug personalities at nagpositibo nga ang mga ito.
Napag alaman naman ng mga otoridad na ang dalawang suspek ay kapwa mga ‘newly identified drug personalities’ ngunit maituturing na mga High Value Targets dahil sa laki ng halaga ng nakumpiskang droga sa kanilang pangangalaga.
Base sa ginawang monitoring ng PDEA Pangasinan ay nag ooperate umano ang mga suspek sa ibat ibang mga lugar sa probinsya ngunit kanilang iimbestigahan kung may mga nagiging transaksyon din ang mga ito sa labas ng Pangasinan.
Inaalam din sa ngayon ng kinauukulan kung mayroon pang kasabwat ang mga ito sa nasabing gawain sa pagtutulak ng illegal na droga.
Samantala dagdag ni Camacho, nasampahan na ng kaukulang kaso ang dalawang drug personalities at nagpaalala din ito sa publiko na tuloy tuloy parin ang kanilang laban kontra sa illegal drugs sa lalawigan.