Muling sasailalim sa RT-PCR ngayong araw ang isang 35-taong gulang na returning OFW na na unang naitalang kaso ng delta variant sa lungsod ng Dagupan.
Ayon sa ulat ng Dagupan City LGU, upang masiguro na covid-free na ito ay magsasagawa ang city health office ng swab test sa naturang pasyente kasama ang kanyang immediate family.
Ang naturang OFW ay dumating sa Manila mula Riyadh noong July 25, 2021 at nanatili sa isang hotel doon.
Noong August 5, siya ay inilipat sa isang hotel sa San Juan.
Noong July 31, siya ay sumailalim sa isang RT-PCR test sa Manila kung saan siya ay nag-positibo. Siya ay nananatiling asymptomatic hanggang sa kasalukuyan.
Dumating ito sa naturang lungsod noong August 11, at siya’y nanatili sa isang isolation facility ng siyudad.
Nang sumunod na araw siya muling sumailalim sa RT-PCR test, kung saan siya ay positive.
Bagama’t positibo, siya’y itinuring nang hindi infectious dahil mahigit 10 araw na ang nakalipas mula nang siya’y magpositibo.
Ganoon pa man, nanatili pa ito sa isolation facility ng lungsod hanggang August 18, nang siya ay pauwiin.
Sa ngayon nananatli siyang asymptomatic at walang nahahawaan sa mga miyembro ng kanyang pamilya.