DAGUPAN, CITY—- Nais ng ilang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nailikas mula sa kaguluhan sa Afghanistan na manatili muna sa bansang Poland upang magtrabaho muna roon.
Ayon kay Bombo International Correspondent Rio Fabe isa sa mga OFW mula sa Kabul, Afghanistan, nakiusap na sila sa pamahalaan ng Poland upang manatili muna ang apat ng Pilipino na makahanap muna ng trabaho doon dahil kompleto naman umano sila ng visa at kaukulang papeles.
Ayaw umano ng ilang mga Pilipino workers na masayang ang pagkakataon na patuloy na makapagtrabaho dahil mahirap uling makabalik ng ibang bansa kapag nakauwi na sila sa Pilipinas.
Samantala, nakahanda naman na umano ang ilang mga kasama nilang mga Pilipino na dumiretso na sa repatriation ng pamahalaan upang makauwi na sila sa Pilipinas sa August 31.
Sa ngayon, ay nasa mabuting kalagayan ang mga OFWs na nasa Poland dahil hanggang sa ngayon ay sinusuportahan umano sila ng kanilang mga employer sa kanilang mga gastusin sa kanilang pananatili roon.