Nagpaalala ang Department of Labor and Employment – Central Pangasinan sa mga employers na ipipilit parin na magpatupad ng “No Vaccine, No Work Policy” sa kabila ng labor advisory na inilabas kamakailan ni Labor Sec. Silvestre Bello III.

Ayon kay Agnes Aguinaldo, Head ng DOLE Central Pangasinan, sa tuloy tuloy na ginagawang pag-iikot ng kanilang mga inspectors ay wala pa namang narereport na mga employers o mga kompanya na nagpapatupad ng NO VACCINE NO WORK POLICY o hindi pagpapapasok ng kanilang mga empleyado na hindi pa nababakunahan.

Sa kanila ding pakikipag ugnayan sa mga employers, karamihan din umano sa mga ito ay hindi sumasang ayon sa naturang polisiya dahil mas lalo lamang maaapektuhan ang kanilang operasyon at lalo lamang mahihirapan ang mga mangagawa kung ipatutupad ito.

--Ads--

Paliwanag ni Aguinaldo, hindi pwedeng alisin ang benepisyo at kung ano man na dapat matanggap ng mga mangagawa dahil lamang sa hindi pa sila nababakunahan dahil mayroon din namang karapatan ang mga ito na magdesisyon kung gusto o ayaw nilang magpabakuna.

Ngunit hinihikayat parin naman ang mga empleyado na kung may pagkakataon ay magbakuna ang mga ito dahil proteksyon din nila ito sa araw araw na pagpasok sa kani kanilang trabaho.

Agnes Aguinaldo, Head ng DOLE Central Pangasinan

Hindi naman umano sila strikto sa kung sino ang mga bakunado o hindi dahil mas binabantayan nila kung nakakasunod ba ang mga employers at kanilang mga kompanya sa pagpapatupad ng mga minimum health standards tulad ng pagsusuot ng facemask, faceshield at iba pang mga health protocols.