Humihiling ng patuloy na suporta at dasal ang pamilya ni Ernest John ‘EJ’ Obiena para sa kanyang laban ngayong araw sa pole vault finals ng Tokyo Olympics 2020 na gaganapin naman ganap na 6:20 ng gabi sa Tokyo Olympic Stadium.

Ayon sa kanyang ina na si Ma. Jeanette Obiena, hindi magiging madali ang kakaharapin ng kanyang anak sa naturang kompetisyon kung kaya nais nito na samahan sila ng mga iba pang Pilipino na ipagdasal ang kaligtasan at tagumpay ng kanilang anak upang makapag-uwi ng medalya para sa bansa.

Aniya, hindi umano maiiwasan ang kaba sa kanilang parte dahil malalakas din umano ang makakaharap ng kanyang anak sa kompetisyon ngunit tiwala ito na gagawin ng kanyang anak ang kanyang makakaya para rito.

--Ads--

Sa ngayon aniya, hindi pa nila ito masyadong nakakausap bilang pagbibigay din umano nila ng ‘room’ sa kanilang anak na mag-concentrate sa kanyang mga laban.

Ma. Jeanette Obiena, ina ni Ernest John ‘EJ’ Obiena

Nagsimula umano si Obiena sa paglalaro sa naturang sports noong siya ay high school kasama ang kanyang mga magulang sa training lalo na at kilala ring pole vaulter at kasalukuyang coach din niya sa nabanggit na larangan ang kanyang ama na si Emerson Obiena.

Magmula noon, ay nagustuhan na ito nang kanyang anak at tuloy-tuloy na ang kanyang pagsasanay at paglahok sa mga kompetisyon dito sa bansa at maging sa ibayong dagat.

Bago pa man sumabak sa Olympics, ay very proud na sila sa kanilang anak matapos makapagtala ng bagong record para sa Pilipinas na umabot sa 5.85-meter mark, na mas mataas mula sa kanyang dating record na 5.81-meters, nakasungkit din niya ang gold medal noong June 3 sa Folksam Grand Prix sa Sweden, at silver medal naman sa 2021 FBK Games sa Hengelo, Netherlands.