DAGUPAN CITY– Nasawi sa pagkalunod ang lalaking epileptic na 26-anyos matapos mahulog sa isang ilog sa Brgy. San Aurelio III, sa bayan ng Balungao.
Ayon kay PLt. Benedict Espinoza, OIC Chief of Police ng Balungao PNP, nagtungong mag-isa at tumambay umano ang biktimang si Richard Campo sa ilog nang ito ay atakihin ng kaniyang sakit at mahulog doon.
Dahil sa pag-ulan, may kalaliman ang naturang ilog kaya’t isa itong dahilan kung bakit posibleng hindi na rin ito nakaahon.
Nang masaksihan ng ilang residente roon ang pagkahulog ng biktima, inabot naman ng mahigit isang oras bago maiahon ang labi nito.
Sa kasalukuyan ay naiuwi na ang bangkay ng biktima.
Nagpaalala naman ang kapulisan na bukod sa COVID-19 ay mag-ingat ang kanilang nasasakupan partikular na umano sa mga residenteng malapit sa mga ilog dahil sa pagtaas ng tubig ngayong tag-ulan.
Samantala, ito ang kauna-unahang kaso ng pagkalunod ngayong taon sa bayan ng Balungao.