Nasawi ang isang 14 na taong gulang na batang lalaki matapos nitong kitilin ang sariling buhay sa Brgy. Laoag sa bayan ng Aguilar, Pangasinan.
Ayon kay PLT. Michael Maure, Deputy Chief of Police ng Aguilar PNP , base sa kanilang imbestigasyon, nadiskubre na ng mga pamilya ng biktima na nakabigti ito sa loob ng kaniyang kwarto gamit ang kumot na itinali nito sa kisame.
Laking gulat umano ng kapatid nito na unang nakakita kaya naman agad niyang tinawag ang kanilang mga magulang upang maisugod pa ang biktima sa pagamutan. Dinala ito sa Lingayen district hospital upang magawa pang lapatan ng lunas ngunit kalaunan ay binawian na rin ng buhay ang biktima.
Sa karagdagan pang imbestigasyon ng kapulisan, napag alaman na hilig ng biktima na maglaro ng mga mobile games at dalawang araw bago mangyari ang insidente ay nainis umano ito dahil sa mabagal na internet na nagdulot ng paghahang ng kaniyang gamit na cellphone hanggang sa kaniya itong ibato na naging dahilan upang masira ito.
Sumunod dito ay humiling ang biktima sa kaniyang ina na bilhan na lamang ito ng bagong cellphone upang may magamit ngunit hindi pumayag ang kaniyang magulang.
Matapos nito ay napansin na umano ng kaniyang pamilya na napadalas ang pagkukulong sa kwarto ng biktima ngunit hindi naman nila lubos akalain na makakaranas ito ng depression na hahantong sa kaniyang pagpapakamatay.