Lango sa alak at posibleng gumamit ng iligal na droga ang suspek sa panggagahasa sa isang pitong taong gulang na batang babae na kapitbahay nito na nagawa pang itali sa puno sa bayan ng Calasiao, Pangasinan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLT. Bonald Paragas, Duty Officer-Calasiao PNP nagtungo sa kanilang himpilan ang biktima kasama ang ina nito upang ireport ang pangyayari.

Lumabas umano ang biktima kasama ang kapatid na lalaki para mangisda sa ilog malapit sa kanilang tahanan. Pagkalipas ng ilang sandali umuwi ang kapatid nito at hindi kasama ang biktima dahil naiwan umano ito sa ilog.

--Ads--

Base naman sa salaysay ng biktima tinali pa umano siya ng suspek sa isang puno gamit ang nylon at electrical wire saka isinagawa ang panghahalay sakaniya.

Maswerte namang nakagawa nang paraan ang biktima para makawala sa pagkakatali nito sa puno at tumakas.

Sa imbestigasyon din ng PNP ay planado ng suspek ang panggagahasa dahil sinundan nito ang biktima at kapatid nito saka inalok sila ng pera. Sinabihan umano nito ang kapatid ng biktima na umuwi muna pansamantala sa kanilang bahay upang maisakatuparan nito ang kaniyang masamang balak .

Sa ngayon ay naisampa na ang kasong Rape in relation to RA 7610 laban sa suspek.

Agad namang isinailalim sa medico legal ang biktima at lumabas na positibo ito sa panggagahasa at may mga marka din sa mga kamay nito bunsod ng pagkakatali sakaniya.