DAGUPAN, CITY— Aminado ang tanggapan ng Department of Health o DOH Region 1 na talagang nagkakaroon ng kakulangan ng supply ng bakuna sa kalakhang rehiyon dahilan upang pansamantalang matigil ang vaccination roll out ng ilang munisipalidad.

Ayon kay Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer 4 ng nabanggit na ahensya, ang ganitong sitwasyon ay maituturing na “very understandable” dahil limitado lamang ang dumadating na suplay ng bakuna mula sa national government na siyang pinag hahatian pa ng apat na probinsya.

Giit nito na mayroon talagang mga munisipyo ang nauubusan ng bakuna para sa kanilang mga priority list ngunit sa kabila nito, tiniyak naman ng kanilang tanggapan na sisikapin nilang ito’y matugunan sa abot ng kanilang makakaya.

Gayunpaman, ayon sa opisyal, nakikita pa din ang positibong bunga nito. dahil dito mapagtatanto na talagang mas marami na ang gustong magpabakuna kaya’t nagkukulang na sa suplay ng bakuna.

--Ads--

Batay na din sa kanilang latest monitoring ngayong araw, nakapag administer na ang kanilang ahensya ng 191, 852 doses ng bakuna kung saan sa A1 category o mga frontline healthcare workers, nabakunahan na ang bilang na 74, 460 para sa first dose at 37, 924 sa second dose.

Sa A2 category naman, sumampa na sa 61, 892 ang nabakunahan sa 1st dose at 3,790 ang fully vaccinated. Kung pag uusapan naman aniya ang A3 category o mga indibidwal na mayroong comorbidities o karamdaman, nasa 13,725 at 61 para sa second dose.

Payo naman ng opisyal sa publiko na ugaliin pa ding sumunod sa mga panuntunang ipinatutupad upang maiwasan ang paglaganap ng naturang virus