Naniniwala ang ilan nating kababayan sa America na ipinakita pa rin umano ni Rabiya Mateo ang lahat ng kaniyang makakaya bilang kinatawan ng Pilipinas sa katatapos lang na 69th Miss Universe.

Ayon kay Bombo Radyo Dagupan – International News Correspondent Ma. Nicia Guanco mula sa Chicago, Illinois na tubo ring lalawigan ng Iloilo, labis silang umasa na ‘aariba’ si Rabiya upang masungkit ang korona kaya’t laking panghihinayang din umano ng mga residente roon nang hindi ito makapasok ng Top 10 finalist.

Aniya, hindi naging madali para sa pambato ng Pilipinas ang nangyaring kompetesyon subalit alam nilang ibinigay nito ang kaniyang best performance.

--Ads--

Matatandaang noong nakaraang taon nang koronahan si Mateo, na tubong Iloilo, bilang Miss Universe Philippines.

Samantala, panandalian lamang ang naging kasiyahan ng marami nating kababayan dito naman sa Pilipinas na sumusuporta kay Miss Universe Philippines Rabiya Mateo nang bigo itong mapasama sa top 10.

Sa naging mga panayam ng Bombo Radyo Dagupan kina Daniel Daria Llanillo, Bb. Bayambang – Tourism 2021 at Michael Domil, isang local professional hair & make-up artist, nakakitaan pa rin nila si Rabiya ng hindi matatawarang kumpiyansa sa sarili dahilan kung bakit nila ito hinahangaan.

Habang ayon naman sa ilang residente ng lungsod ng Dagupan, kanilang binigyang papuri pa rin ang naging performance ni Rabiya Mateo noong preliminary rounds suot ang kaniyang dilaw na evening gown.

Kabilang sa mga tinawag na Top 10 candidates ay ang mula sa mga bansang:

  • Jamaica
  • Dominican Republic
  • India
  • Peru
  • Australia
  • Puerto Rico
  • Thailand
  • Costa Rica
  • Mexico
  • Brazil

Habang hinirang naman na 4th runner up kandidata mula sa Dominican republic; 3rd runner up ang India; 2nd runner up naman ang Peru at nakoronahan bilang 69th Miss Universe si Andrea Meza ng bansang Mexico.