DAGUPAN, CITY— Labis ang kagalakan at pagiging ‘proud’ ng isang Pangasinan designer sa pagkakapili ng kanyang desenyo na Princess Urduja inspired gown na isinuot ni Rabiya Mateo sa isang event ng 69th Miss Universe sa Seminole Hard Rock & Casino sa Hollywood, Florida.

Ibinahagi ni Glademir Echavarre mula sa barangay Sumabnit, sa bayan ng Binalonan sa Bombo Radyo Dagupan ang kanyang naramdaman sa pagkakapili ng kanyang design na isinuot na Mateo sa isang event sa naturang pageant.

Ayon kay Echavarre, isang karangalan hindi lamang sa kanya kundi maging sa lalawigan ng Pangasinan umano na mapili ang kanyang desenyo mula sa higit 300 mga filipino designers na inimbitahan ng team ni Rabiya para sa mga susuotin nitong mga damit sa Miss Universe.

--Ads--
Tinig ni Glademir Echavarre mula sa barangay Sumabnit Binalonan, Pangasinan, designer ng Princess Urduja inspired gown

Aniya, isa personal na nagustuhan ni Mateo at ng kanyang team ang kanyang likha dahil ito ay komportable, naipapakita din nito ang korba ng katawan ng pambato ng Pilipinas, at lalo na umano ang kwento sa likod ng damit na hango sa kultura ng mga Pangasinense kung kaya’t napabilang ito sa 30 napiling outfits na isusuot nito sa mga events ng naturang patimpalak.

Saad niya, ito ang kauna-unahan niyang likha na mairarampa sa international stage kung kaya’t lubos ang kanyang pagiging proud dahil dito.

Maliban sa likha nitong gown para naturang beauty queen, si Echavarre ang nasa likod ng desenyo sa isinuot na damit ni Nadine Lustre sa isang photoshoot nito sa Nylon magazine na isang interntional based-magazine, at suki din ng mga isinusuot na damit ng iba pang kilalang local celebrities sa bansa gaya na lamang nila Cristine Reyes, Julie Anne San Jose, Glaiza de Castro at marami pang iba.