May ilang residente sa Montana, USA ang naniniwalang mayroon pang ilang ebidensiya ang dapat sana’y mas napag-aralan pa na magpapakita umano na hindi ang ginawa ng dating pulis na si Derek Chauvin ang dahilan ng kamatayan ng Black-American na si George Floyd.
Sa ulat ni Bombo Radyo Dagupan – International Correspondent Estella Fullerton mula sa nabanggit na estado, ang ilan sa kanila ay naniniwala na ang naging hatol kay Chauvin ay tila naging mas maimpluwensiya umano ang publiko.
Naniniwala ang ilan na mas marami pa umanong dapat imbestigahan sa naturang kaso.
Samantala, matatandaang nagtipon-tipon ang mga tagasuporta ni Floyd sa George Floyd Square, kung saan ito namatay noong patungan ni Chauvin ang leeg ng biktima habang nakadapa ito sa sahig.
Samantala, “Dapat magdiwang tayo.” Iyan naman ang pahayag ni Bombo Radyo Dagupan – International Correspondent Arnedo Valera, isang Immigration & Anti Discrimination Attorney mula sa Washington D.C., USA, lahat umano ng tao sa Amerika lalo na ang minorya, kabilang ang Filipino-Americans ay dapat magdiwang sa pagkaka-convict sa dating pulis na si Derek Chauvin sa pagpatay sa Black-American na si George Floyd.
Ito ay dahil sa umano’y pag-abuso ng dating pulis sa kaniyang otoridad.
Binigyan diin din nito na ang tatlong kasong ipinataw sa kaniya ay napatunayan gamit ang mga inihaing ebidensiya.
Matatandaang 12 jurors ang nagkasundo na guilty si Chauvin mula sa second-degree unintentional murder na may hanggang 40-taong pagkakakulong, third-degree murder na may 25-taong pagkakakulong, habang 10 taong pagkakakulong naman ang naghihintay para second-degree manslaughter at $20,000, katumbas ito ng halos isang milyong piso.
Maituturing din umanong kakaiba ang nangyaring pagdinig dahil 12 kapulisan kasama ang kanilang Chief of Police ang siyang tumestigo na excessive o sobra-sobra at hindi na makatarungang pwersa ang ginawa ni Chauvin, na kung maaalala ay higit 9 na minuto itong diniinan sa leeg hanggang sa malagutan ng hininga.




