Nagbitiw na sa kaniyang tungkulin ang pulis ng Brooklyn Center na si Kim Potter.

Ito ay matapos ang naganap na pamamaril nito sa biktimang si Daunte Wright.

--Ads--

Sumulat mismo si Potter ng kaniyang resignation letter kay Mayor Mike Elliot, Acting City Manager Reggie Edwards at Police Chief Tim Gannon.

Inanunsiyo rin ni Mayor Elliot ang pagbaba sa puwesto ni Chief Gannon.

Magugunitang napatay ni Potter ang 20-anyos na si Wright ng inakalang taser ang kaniyang nahawakan at hindi baril.
Dahil sa pangyayari ay nagkaroon ng kabi-kabilang kilos protesta sa Minnesota kaya nagpatupad ang mga otoridad ng curfew.

Samantala agaran naman inalis sa tungkulin si Brooklyn Center City Manager Curt Boganey.

Sa ulat ni Bombo Radyo Dagupan – International Correspondent Isidro Madamba Jr., mula sa California, USA, ayon sa Hennepin County Medical Examiner’s Office, lumalabas na homicide ang naturang insidente.

Dahil dito, nagkaroon ng tensyon sa Brooklyn Center, Minneapolis at pinaulanan ng tear gas ng mga otoridad ang galit na protesters.

Nagpatupad din ng three-county curfew mula 7:00 ng gabi hanggang 6:00 ng umaga sa Hennepin county, kung saan binaril si Wright, kasama ng Ramsey county at Anoka county.

Bombo Radyo Dagupan – International Correspondent Isidro Madamba Jr., from California, USA

Una rito, hinuli ng Brooklyn Center Police Department si Wright matapos makaggawa ng traffic violation at pinaniniwalaan na ito ay may oustanding arrest warrant.

Sinubukan ng mga police na hulihin ang suspek ngunit bigla itong sumakay sa sasakyan dahilan upang barilin ng otoridad ang driver na nagmaneho ng sasakyan.

Sugatan din ang kasintahan ni Wright na sakay ng nasabing sasakyan.