“Source of strength and confidence.”
Ganito umano inilarawan ni Queen Elizabeth ang kanyang namayapang asawang si Prince Philip sa edad na 99.
Ayon sa ulat ni Bombo International Correspondent Vangie a Tyler mula sa Bedfordshire, England, ginawa ng naturang reyna ang nasabing pahayag matapos ang pagkamatay ng kanyang asawa.
Itinuturing umano ni Queen Elizabeth na soulmate ang yumaong Duke of Edinburgh dahil sa mga pareho nilang mga katangian, pagbibigay nito ng mahahalagang mga payo, kumpiyansa, at lakas.
Namatay umano ang naturang miyembro ng royal family sa natural na paraan dahil sa katandaan at hindi umano sa COVID-19.
Kaugnay pa nito, labis din ang pagpapaabot ng mga mamamayan sa United Kingdom ng kanilang simpatya at pagkalungkot sa pagkamatay ng naturang prinsipe na isa sa pinakagustong personalidad sa kanilang bansa.
Saad pa ni Tyler, sa anunsyo ng Buckingham Palace, gaganapin ang funeral para kay Prince Philip sa St. George’s Chapel sa Windsor Castle sa darating na April 17.
Samantala, tanging si Prince Harry lamang na manggagaling pa mula California ang dadalo sa libing ng kanyang lolo at hindi na nito kasama ang asawang si Meghan Markle dahil ito umano alinsunod sa abiso ng kanyang doktor dahil sa kanyang pagbubuntis.