Umabot na sa bansang Barbados at St. Lucia ng Caribbean Islands ang abo o ashfall mula sa pag-aalburuto ng La Soufrière volcano sa St. Vincent ng Eastern Caribbean Island.
Sa update mula kay Bombo Radyo Dagupan – International Correspondent Alan Tulalian, mula sa Trinidad & Tobago, nakipag-ugnayan na rin umano ang embahada ng Pilipinas mula sa Washington D.C. para sa mga kababayang Filipino roon upang maipaabot agad ang anumang tulong kung mayroon silang emergency concerns.
Sa ngayon, nasa maayos na kalagayan ang lahat ng Filipinong nagtratrabaho at naninirahan sa St. Vincent.
Tinatayang nasa 60 ang mga Filipino roon at dalawa rito ay nasa red zone o danger area na siyang ligtas na nailikas.
Aabot na sa 80% ng higit-kumulang 100,000 na populasyon doon ang in-evacuate.
Habang ligtas din ang nasa 50 Filipino sa Barbados na siyang inuulan ng ashfall.
Matatandaang ito ang unang pagiging aktibo ng La Soufrière mula noong 1979.
Ang pinakagrabeng pag-alburoto nito ay naitala noong 1902 na ikinasawi ng mahigit 1,700 katao.