Iyakan ng mga tao at walang naisalbang mga kagamitan.
Iyan ang daing ng mga residenteng nasunugan sa Sitio Riverside, Arellano St., Barangay Pantal, Dagupan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa ilang mga natupok ng apoy ang tahanan, tulong mula sa lokal na pamahalaan ang higapos nila upang maayos ang kanilang bahay.
Nanlulumo naman ang isang retirado dahil kasamang naabo ang P1.5-M na retirement benifits na kaniyang natanggap. Ni piso ay wala raw siyang naisalba mula sa kanyang pinaghirapan.
Ngunit paniniguro naman ni Dagupan City Mayor Marc Brian Lim na tiniyak ng Engineering Dept., City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) at City Social Welfare and Development (CSWD) na maayos ang pasilidad na kanilang panandaliang tutuluyan kalakip ng kanilang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain.
Inihanda na rin ang grocery packs na kanilang ipamimigay sa mga nasunugan gayundin aniya ang kaunting pinansiyal na ayuda.
Siniguro na rin ng alkalde ang pakikipag-uganayan nito sa mga malalaking negosyo para sa mga pribadong donasyon.
Dagdag pa rito ang paglapit umano ni Mayor Lim kay Sen. Bong Go para sa karagdagan pang tulong.