Nasampahan na ng kasong murder ang tatlong suspek na may kaugnayan sa pagpatay sa dating radio broadcaster sa lalawigan Pangasinan na si Virgilio Maganes.

--Ads--

Batay sa ulat ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), ang mga suspek ay sina Noe Ducay, alias “Owing”, Romar Bustillos at isang “John Doe”.

Ayon kay Senior Assistant Provincial Prosecutor Charlotte M. Duron-Cabida ng Provincial Prosecution Office ng Pangasinan, si Bustillos ay umakto bilang point man at si Ducay bilang trigger man sa presensiya ng biktima na siyang papasok sana sa kanilang compound sa araw ng naturang krimen.

Matatandaan na dineklarang dead-on-the-spot dakong 6:45 ng umaga, November 10, 2020 si Maganes nang pagbabarilin ito habang naglalakad malapit mismo sa kaniyang tahanan sa Licsab, Brgy. San Blas, sa bayan ng Villasis ng dalawang kalalakihang “riding-in-tandem” lulan ng isang motorsiklo, at pinaniniwalaang isa rito ang suspek na si Ducay.

Minsan na ring pinagtangkaan ang buhay ng biktima noong November 8, 2016.
Samantala, sinabi ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director, Undersecretary Joel Sy Egco, na walang tigil nilang proprotektahan ang mga nasa media kasabay ng paglulunsad ng mga serye ng webinars na may temang “Moving 4Ward: Safeguarding Press Freedom during the COVID-19 Pandemic and the 2022 Elections Season”.

Ito ay upang mas mapaigting umano ang kampanya ng kasalukuyang administrasyon sa pag-protekta ng buhay, kalayaan at seguridad ng mga nasa industriya ng media sa kasagsagan ng pandemya at sa nalalapit na halalan