DAGUPAN, CITY— Pasado na sa pangatlo at huling pagbasa ang House Bill na magbibigay proteksyon sa mga freelance workers sa Pilipinas.

Ayon kay Pangasinan Fourth District Rep. Christopher de Venecia layunin ng naturang panukala na matulungan ang mga naturang mga indibidwal ng karapatan sa tamang pasahod, kaukulang kontrata at pagbibigay kaalaman sa mga karapatan nila sa kanilang gawain.

Aniya, malaking tulong umano na magkaroon ng kontrata ang mga freelancers sa bansa upang magkaroon sila ng proteksyon at habol laban sa mga kompanya na hindi sumusunod sa tamang pamamaraan ng pamamalakad sa kanilang mangagawa.

--Ads--

Nakapaloob din sa naturang house bill ang mga penalty na kakaharapin ng kompanya na hindi tutupad sa napagkasunduang kontrata.

Maging ang hazard pay na kailangan lalo na sa mga freelancers na nagtatrabaho sa lugar na maaring maglagay sa kanila sa panganib, at maging ang night shift differential pay sa mga nagtatrabaho tuwing alas-10 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.

Dagdag pa rito, sa pamamagitan nito ay magkakaroon din umano ng special lane para sa mga nabanggit na sektor sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang makapagrehistro at makapagbayad ng buwis.

Si De Venecia ang isa sa mga principal authors of the Freelance Protection Bill.

Matatandaang sa sesyon ng Kamara kahapon, inaprubahan ng 195 kongresista sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8817 o ang Freelance Workers Protection Act.