Nakapagtala ang lalawigan ng Pangasinan ng tatlong kumpirmadong COVID-19 B.1.1.7. variant o ang galing sa United Kingdom na strain, at isa pang hinihinala ring B.1.1.7. variant kasama ng isa pa muling N501Y variant o ang strain mula sa South Africa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Anna Marie de Guzman, Chief ng Provincial Health Office (PHO) Pangasinan, ang una ay mula sa lungsod ng Urdaneta, isang 27-anyos na lalaki na nagpositibo noong Enero 28 at natanggap ang resulta ng Genome Sequencing noong Marso 5, na siyang OFW mula sa bansang Dubai. Mayroon itong dalawang close contact ngunit nag-negatibo sa nabanggit na virus.
Ikalawa ay ang matandang 65-anyos na babae mula sa bayan ng San Nicolas na nagpositibo sa COVID-19 noong Pebrero 18 at Marso 12 naman natanggap ang Genome Sequencing nito, na walang travel history sa labas ng probinsiya ngunit napag-alamang palagian itong lumalabas upang mamalengke at pumunta ng simbahan. Nag negatibo naman ang 83 mga nakasalamuha nito mula sa 1st-3rd generation ng kanilang kaanak, at mga nasa maayos na kalagayan.
At ang pinaka huling nakumpirma o ang ikatlong B.1.1.7. variant positive ay isang 57-anyos na babae mula sa bayan ng Umingan na nagpositibo noong Marso 3 at wala ring travel history ngunit napag-alamang ito ay nag-alaga ng isang COVID-19 positive na matanda. Sa ngayon ay 11 ang napag-alamang close contacts nito.
Bukod sa tatlo ay may dalawa pang iniimbistagan na nagpositibo sa mga bagong variant, isang B.1.1.7. variant at isa pang N501Y variant.