“Sobra-sobrang blessing.”

Ganiyan inilarawan ni Ava Kristine Urayenza ang pagkakahirang nitong Top 6 sa katatapos lang na Respiratory Therapist Licensure Examination sa buong bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Urayenza, tubong bayan ng Calasiao, Pangasinan, nais lamang nitong makapasa at hindi inasahang mapapabilang ito sa Top 10 mula sa 467 na examinees.

--Ads--

Habang nag-uumapaw ang kasiyahin nito, labis-labis din ang pasasalamat niya sa Diyos na siya umanong tunay na gumabay sa kaniya.

Kasabay naman ng lockdown o quarantine restrictions ay kaniya umano itong ginugol sa pagbabasa o pag-aaral.

Ibinahagi rin nito na malaking tulong umano ang kaniyang mga kapatid na pawang nasa kurso ng medisina na isang dentist, nurse at doktor.

Voice of Ava Kristine Urayenza

Idinagdag din ni Urayenza na noong una ay wala itong kaalaman sa naturang kurso ngunit nang maglaon ay natutunan niya itong mahalin.

Sa ngayon ay kaniyang kinokonsidera ang pagtulong na sa bansa laban sa pandemyang dulot ng COVID-19, o kung hindi man ay ang magpatuloy na sa medical school.

Ayon sa Professional Regulation Commission (PRC), mula sa nabanggit na bilang ng examinees ay 294 ang mga pumasa mula sa Board of Respiratory Therapy sa Maynila, Baguio City, Davao, Tuguegarao at Zamboanga na ginanap noong March 10 – 11, taong kasalukuyan.