Posibleng hindi payagan ngayong taon ang pagsasagawa ng anumang prosesyon, bisita iglesia at alay-lakad sa nalalapit na pagseselebra ng semana santa.

Sa bahagi ng panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Anna Marie de Guzman, Provincial Health Office (PHO) Pangasinan Chief, kasalukuyan pa rin nilang plina-plantsa ang mga karagdagang kautusan upang maiwasan ang pagsipa ng COVID-19 cases sa lalawigan ng Pangasinan.

Ito ay may kaugnayan din sa biglang-taas ng naitalang mga bagong kaso ng nasambit na virus sa bansa.

--Ads--
Voice of Dr. Anna Marie de Guzman

Aniya, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Provincial Police Office (PPO) upang mas mahigpit na ipatupad ang nagpapatuloy na curfew hour sa probinsiya mula 9:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga.

Binigyang diin din nito na sa ngayon ay wala pa ring provincial buses ang pinapayagang magbalik operasyon.

Sa kasalukuyan, isang pangunahing dahilan na ikinokonsidera ng lokal na pamahalaan ng Pangasinan ang mga naitatalang kaso upang mapagdesisyunan kung isasara ang lalawigan para sa karatig lugar, ngunit sa pinaka huling datos ng PHO ay 10 lamang ang naidagdag sa mga nahawaan ng virus at 10 rin ang naitalang gumaling, sumatotal ay 153 ang aktibong COVID-19 cases sa probinsiya.