DAGUPAN, CITY— Patay ang isang lolo matapos mataga habang umaawat sa away magbayaw sa Barangay San Isidro sa bayan ng Rosales, Pangasinan.

Kinilala ang biktimang si Primo National, 68 anyos na magsasaka habang natukoy naman ang suspek na nakataga sa biktima na isa ding magsasaka na si Villamor Bulatao alias Sonny 42 anyos, parehong residente sa naturang barangay.

Nangyari ang naturang insidente dakong alas-9:40 kagabi na nirespondehan ng kapulisan at pinuntahan ang pinangyarihan ng krimen.

--Ads--

Ayon kay PSMS Leo Rombaoa ng Rosales PS, napag-alaman na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang suspek at ang kaniyang bayaw na si Banjo Nario hanggang sa nauwi sa suntukan.

Matagal na umanong hindi maganda ang relasyon ng magbayaw dahil umano sa pagsisiraan nila tuwing nag-iinuman.

Tinig ni PSMS Leo Rombaoa ng Rosales PS

Sa kasagsagan ng kanilang pagtatalo, nagawang kumuha ng isang bolo o panabas ng suspek at nang tangakain nitong tagain ang kaniyang bayaw at sa kasamaang palad ang biktima ay aksidenteng nataga na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Sa ngayon ay nahuli na rin ang naturang suspek nasa kustudiya na ng Rosales PNP.