Lumalaki na ang kumpiyansa o pagtanggap sa bakuna ng frontliners partikular ang healthcare workers sa Region 1.
Ayon kay Dr. Rhuel Bobis, Medical officer IV ng DOH Region 1 sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, noong nagsimula ang pagbabakuna ay nasa 41% pa lang ang mga gustong magbakuna ng Sinovac.
Ngayong dumating na ang AstraZeneca ay may pagpipilian ng bakuna ang healthcare workers. Naniniwala si Bobis na mas lalo pang magkakaroon ng kumpiyansa ang mga tao.
Nilinaw ng opisyal na puwedeng mamili ang frontliners kung anong bakuna ang gagamitin sa kanila. Ngunit sa ngayon dahil kaunti pa lamang ang AstraZeneca vaccine na dumating sa rehiyon, uunahin munang mabakunahan ang healthcare workers na edad 60-anyos pataas at mga direktang nangangalaga ng mga COVID-19 patient.
Sa ngayon, patuloy na nakikipag-ugnaan ang DOH Region 1 sa mga ospital sa lalawigan ng Pangasinan para malaman kung ilan ang healthcare workers na hindi nabakunahan ng Sinovac na mula sa bansang China, at kung sinu-sino pa ang mga nasa priority list ng pamahalaan.