Nasa 90-95% ng medical health workers mula sa 12 mga ospital sa lalawigan ng Pangasinan ang nagpapakita ng kumpiyansa sa COVID-19 vaccines at nais ding maturukan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Anna Marie de Guzman, Pangasinan Provincial Health Office (PHO) Chief, kaugnay nito ay 39 na medical frontliners mula sa Pangasinan Provincial Hospital (PPH) ang unang matuturukan ng Sinovac vaccine, makaraang mapaglaanan ang PPH ng 78 vials ng nabanggit na bakuna.
Sa ngayon, sa pakikipag-ugnayan ng PPH sa Region 1 Medical Center (R1MC), posibleng sa R1MC nalang din ganapin ang pagtuturok sa kanilang staff.
At sa pag-aantabay sa nasambit na vaccination roll out para sa PPH healthworkers, patuloy rin ang paghahanda ng Pangasinan PHO para naman sa pagdating ng bakunang Astrazeneca sa lalawigan matapos matanggap ng Pilipinas ang 487,200 doses, nito lamang gabi ng Huwebes.