Pagsubok din sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Alaminos ang takot ng mga mamamayan pagdating sa COVID-19 vaccination.

Ayon kay Alaminos City Mayor Arth Bryan Celeste, sa kanilang isinagawang survey at pagtatanong sa mga tao ay marami pa ring ayaw magpabakuna kaya’t nagsasagawa ang lokal na pamahalaan ng information dissemination na hindi dapat katakutan ang COVID-19 vaccine.

Paliwanag pa nito na ang bakuna na inihanda ng iba’t-ibang kumpanya ay dumaan sa pagsusuri at research kaya’t hindi ito aaprubahan kung hindi ito ligtas para sa publiko.

--Ads--

Sa ngayon, nakikipagkoordina na ang pamahalaang panglungsod sa Astrazeneca kung saan may inilaan na P30-M na pondo para rito na maaari pang magbago depende sa mga taong nais magpabakuna.

Wala rin umanong problema sa storage facility ng mga bakunang ito dahil maraming bakanteng kwarto na pwedeng paglagyan nito at ang ginagawan naman ngayon ng paraan ay ang pag-pro-procure ng mga equipment para rito.

Nanawagan naman ang naturang alkalde sa mga tao na huwag matakot sa bakuna at subukan ito para sa kaligtasan na rin ng kanilang pamilya.

Samantala, pagdating naman sa epekto ng COVID-19 ay hanap buhay pa rin ng mga tao ang malaking naperwisyo nito sa lungsod, lalo na sa mga nasa aspeto ng turismo.

Mayroon na ring nasa P35-M na perang nalugi rito na sana ay naihandog pa sa mga mamamayan ng Alaminos.

Bilang tulong naman sa mga nasa aspeto ng turismo ay patuloy ang mga programa para makabangon ang mga ito at nagplaplano na para sa programang magbibigay ng livehood assistance sa mga bangkero sa lungsod.

Patuloy rin ang kanilang isinasagawang pagpapaganda sa Hundred islands upang mailagay ito sa unang listahan na bibisitahin ng mga tao pagkatapos ng pandemya.

Voice of Alaminos City Mayor Arth Bryan Celeste