DAGUPAN, CITY— Ipinataw na ang preventive suspension laban kay School Division Office (SDO-I) Superintendent Shiela Marie Primicias upang magbigay daan sa imbestigasyon ng Department of Education (DepEd) kaugnay sa mga aligasyon sa kanyang panunungkulan.

Ito ay kanyang inanunsyo sa kanyang facebook live video kung saan kanyang ibinahagi ang kanyang opisyal na pahayag patungkol sa naturang usapin.

Ayon kay Primicias, kanya umanong nirerespeto ang naging desiyon ng tanggapan, upang masusing maimbestigahan ang ilang iniuugnay sa kanyang isyu kabilang na riyan ang kinakaharap nitong administrative case at upang hindi rin niya magamit ang kanyang kasalukuyang posisyon.

--Ads--

Tiwala umano siya na bagaman temporaryong nasuspende ito sa pwesto, ay lalabas din ang katotohan kung saan malinis umano siya sa mga ipinupukol na mga paratang sa kanya.

Tinig ni SDO-I Superintendent Shiela Marie Primicias

Itinuturing din ni Primicias na isang “break” ang kanyang suspensyon upang makapaglaan umano siya ng sapat na oras para sa kanyang pamilya, dahil sa ilang taon na rin nitong panunungkulan sa sektor ng edukasyon.

Hindi rin umano mapipigil ng suspensyon ang paggawa umano niya ng magagandang gawain, pagiging “magaling” para sa kanyang departamento.

Nagpasalamat din siya sa mga guro na nagpaabot sa kanya ng suporta at paniniwala sa kabila ng kanyang kalagayan sa ngayon.