DAGUPAN, CITY— Pinag-iingat ng Pangasinan Provincial Health Office (PHO) ang mga mamamayan na nakatira malapit sa mga baybaying dagat sa lalawigan mula sa mga foreign vessels na dumadaong sa mga pantalan upang bumili ng suplay dahil na rin sa banta ng COVID-19.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Ana Marie De Guzman, bagaman hinahanapan ng kaukulang health certificates ang mga tripulante sa mga dumadaong na barko mula sa ibang bansa, ay kailangan pa rin umano ng mga mamamayan roon ng ibayong pag-iingat upang makaiwas na mahawaan ng nabanggit na sakit.

Tinig ni Pangasinan Provincial Health Officer Dr. Ana Marie De Guzman

Aniya, ang mga indibidwal umano na mula sa dumadaong na barko sa probinsya ay maraming mga napupuntahang bansa at posibleng na-expose na rin ito sa nabanggit na virus kung kaya’t mas maigi na umano ang paunang hakbang kaysa mainfect din umano ng naturang sakit.

--Ads--

Dagdag pa ni De Guzman, manatili pa rin umano ang pagsunod sa mga umiiral na mga health protocols upang makaiwas sa COVID-19, gaya na lamang ng pagsusuot ng facemask, faceshield, at pagmimintina sa tamang social distancing.