Siyam na tama ng bala ang tinamo ng OIC POSO Chief ng Calasiao na si Reynaldo “Bogart” Bugayong.
11 ang total na bilang ng basyo ng bala ang kanilang narekober sa pinangyarihan ng krimen, pito rito ay tumama sa magkakaibang bahagi ng kaniyang katawan at dalawa sa kaniyang ulo.
Sa naging press conference kahapon ni Calasiao Mayor Joseph Arman Bauzon, emosyonal niyang ibinahagi ang kabaitan ni Bogart, gayundin ang pagiging respetado nito sa pagbibigay serbisyo sa publiko.
Ani Bauzon, itinuring niya umano itong kanang kamay lalo na sa kaniyang political journey kaya’t labis na nagdadalamhati ito kasama mismo ng kaniyang pamilya bilang ito ay naging malapit na rin sa kanila.
Dagdag ni Bauzon, sa limang taong panunungkulan bilang alkalde ng nabanggit na bayan ay ito ang unang beses na siya’y nagsagawa ng press conference dahil higit nitong kinokundena ang ginawang pagpaslang sa kaniyang itinuturing na ring malapit na kaibigan.
Aniya, sa loob ng kaniyang pagseserbisyo ay ikatlo na itong pagkakataon kung saan pinatay ang ilang malalapit sa kaniya.
Una na riyan ang isang dating kagawad sa Brgy. Bued , sunod ang kaniyang driver at ikatlo si Bugayong.
Dahil diyan ay buong tiwala umano ang alkalde sa kakayanan ng kapulisan na maresolba ang kaso sa lalong madaling panahon.
Nauna rito, bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Calasiao PNP na siyang tututok sa pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon upang agad na maresolba ang nasabing krimen at maaresto ang mga responsable sa pagpatay sa biktima.
Matatandaan na papasok na sana ng kaniyang trabaho ang biktima nang sundan ito ng apat na hindi pa nakikilalang mga suspek na lulan ng motorsiklo. Nang marating ng biktima sakay ng kaniyang motorsiklo ang Brgy Lasip ay doon ito pinagbabaril ng mga suspek sa bat ibang bahagi ng kaniyang katawan na sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Hiling na lamang ng alkalde na hindi sana motibo sa pagpatay sa kaniya ang hinggil sa politiko.