DAGUPAN, CITY— Mayroon nang itinuturing na persons of interest ang mga kapulisan sa insidente ng pamamaril sa POSO Chief ng Calasiao na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Ayon sa hepe ng Calasiao Pnp na si PLt. Col. Ferdinand De Asis, base sa kanilang mga nakuhang CCTV footage ay napag alaman na mayroong dalawang tao na sakay ng motorsiklo kung saan ng makalampas ang biktima na si Reynaldo Bugayong sa kanilang lugar ay kanilang inabangan at saka naman ito pinagbabaril sa Brgy. Lasip.

Bumuo na rin ng Special Investigation Task Group ang Calasiao PNP na binubuo ng kanilang mga imbestigador at intel operatives na siyang tumututok sa pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon upang agad na maresolba ang nasabing krimen at maaresto ang mga responsable sa pagpatay sa biktima.

--Ads--

Kung kinakailangan din umanong bumuo ng Provincial Investigation Task Group ay nasa desisyon pa ito ng PNP Provincial Director.

Dagdag naman ni De Asis, bagamat mayroon na silang itinuturing na mga persons of interest ay wala paring malinaw na motibo sa insidente ng pamamaril sa biktima.

Ngunit patuloy namang tinitignan ang anggulo na posibleng mayroong kinalaman sa kaniyang trabaho at pagiging hepe ng Public Order and Safety Office o POSO ang pamamaril sa biktima.

Tinitignan na rin kung mayroong nakaalitan o maaring nakaaway si Bugayong.

Base din aniya sa kanilang pakikipag ugnayan sa pamilya at kaanak ng biktima ay wala rin itong natanggap na death threat o pagbabanta sa kaniyang buhay bago mangyari ang pamamaril. (with reports from: Bombo Mariane Esmeralda)